Mga Pagninilay sa Misteryo ng Luwalhati

ni Leo Angelo de Castro

01.jpg1. Ang Pagkabuhay na muli ng ating Panginoong Hesukristo – Umagang-umaga sa araw ng Linggo, tatlong araw matapos ang pagpapakasakit, kamatayan, at paglilibing sa ating Panginoong Hesukristo, mayroong hiwagang nagaganap sa sepulcuro. Siyang Panginoon ng buong ‘sangtinakpan ay nagtagumpay na. Nayanig ang buong sangkalupaan, ang lahat ng mga anghel ay nangag-aawitan. Ang buong kalupaan, bagama’t balot pa sa kadiliman at nahihimbing pa sa higaan ay unti-unti nang nagigising sa isang bagong araw kung kailan ipinagkamit tayong lahat ni Hesukristong Panginoon natin ng tagumpay at kaligtasan. Mabuti nga’ng pagbulay-bulayan natin sa ating mga isip at puso ang misteryong ito ng ating pananampalataya. Binali na ng ating Panginoon ang mga bakal rehas na nagkukulong sa atin sa kadiliman; winasak na niya ang mga matatandang tanikala ng kasalanan. Binuksan na niya para sa atin ang pintuan ng kalangitan, ang makalangit na Eden na sinar’han ng ating pagkamasuwayin. “Si Hesus ay ipinako ng mga Hudyo sa Krus ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw” (Gawa 10:39-40). Si Hesus ay muling nabuhay upang maging mga anak tayo ng Ama.  Tayo na mga tinubos sa pamamagitan ng kanyang Dugo ang lubos na dapat magalak sa kanyang muling pagkabuhay sapagkat nabibigyan tayo ng kasiguraduhang tayong nakiisa sa pagkamatay ni Kristo ay makakaisa rin naman balang araw sa kanyang maluwalhating pagkabuhay. Sa unang misteryong ito ng Santo Rosaryo ng Mahal na Birheng Maria, ibinabaling din ang ating atensyon sa katuwaan at kagalakang natamo ng Mahal na Birhen noong siya’y pagpakitaan ng kanyang Mahal na Anak. Tigib ng dalamhati sa mga kaganapan ng mga huling araw, hindi maibulalas ang tuwa na naramdaman ni Maria sa pagkakita sa kanyang Anak. Sa kanyang pakikiisa sa paghihirap na ito, siya rin naman ay nakikiisa ngayon sa kagalakang dulot ng kanyang muling Pagkabuhay. “Nabuhay akong muli, aleluya, ako’y laging na sa’yo, aleluya!” Naihain na ang tupang Pampaskuwa, halina’t sambahin siya!

02.jpg2.  Maluwalhating Pag-akyat sa Langit ng ating Panginoong Hesukristo – Matapos ang apatnapung (40) araw na pamamalagi ng Panginoon dito sa lupa matapos ang kanyang Pagkabuhay, siya ay “lumabas ng lungsod, itinaas niya ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga alagad. Habang binabasbasan niya sila, humiwalay siya sa kanila at dinala siya sa langit. Sinamba naman nila Siya. Nagbalik ang mga Apostol sa Herusalem na puspos ng galak …” (Lucas 24:50-52) Sa maraming mga pagkakataon, ang mga paglisan ay ating sinasamahan ng luha at hibi. Naroroon ang dalamhati sapagkat hindi na natin makakapiling ang isang minamahal; ngunit nakita natin na ang mga alagad ay puspos ng galak na bumalik sa lungsod. Ipinamamalas sa atin ng Panginoong Hesukristo na sa bawat paglisan ay mayroong maliwanag na kinabukasang kinakaharap ang bawat isa. Sa loob ng apatnapung araw na pagtigil ni Hesus dito sa lupa, siya ay nagturo, nangaral, at nagpatatag ng loob ng kanyang mga alagad upang ihanda sila sa misyon na kanyang iaaatas sa kanila. Binuksan niya ang kanilang mga isipan upang lubos na maunawaan ang mga Kasulatan, itinalaga nila sila na mga saksi sa kanyang mga gawa, pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay. Isinugo niya sila bilang mga tagapamalita ng Ebanghelyo upang masaklaw niya ang lahat ng sulok ng daigdig. Kasama nito, ang Mahal na Birheng Maria din naman ay nakikiisa sa kagalakan ng buong kalikasan sa pagluluwalhati sa kanyang Anak at Panginoon. Itinataas niya rin ang kanyang puso at diwa sa kanyang Anak at nangangako siya na magsisilbing Ina rin nating mga kaanib sa Sambayanang Kristiyanong nagsisimula nang lumago. Sa pagbubulay-bulay natin sa ikalawang misteryong ito ng Santo Rosario, binibigyang diin sa atin ang dakilang kapangyarihan ni Hesukristo bilang Diyos at Panginoon ng sangnilikha. Itaas na ang mga mata sa Panginoong lumikha ng mga lupa at tala, ng gabi at ng umaga. Si Hesukristo’y umakyat na sa langit, halina, papurihan natin siya!

03.jpg3. Ang Pagpanaog ng Espiritu Santo sa Labindalawang Apostoles at sa Mahal na Birheng Maria –  “Espiritu mo’y suguin, Poon tana’y ‘yong baguhin.” Sinasabi sa Banal na Kasulatan na ang mga Apostol ay bumalik sa Jerusalem at pumahik sa isang silid sa bahay na kanilang tinutuluyan … at nagkaisa sila ng diwa at patuloy na nanalangin, kasama … si Mariang ina ni Hesus ” (Gawa 1:12-14) Hinihintay nila ang pagsusugo sa Espiritu Santo, ang Paraklito na ipinangako ni Hesus sa kanila, upang magsilbing gabay at mang-aaliw. Noong sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay muling magkakasama sa silid na yaon at bigla na lamang silang nakarinig ng isang malakas na ugong mula sa langit na parang malakas na hangin  at pinuno nito ang bahay na kanilang tinutuluyan. May nakitang parang dilang-apoy na naghiwa-hiwalay at tumigil sa bawat isa. Napuspos sila ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ipinagkaloob sa kanila… (cf. Gawa 2:1-4). Tumayo si Pedro at nangaral sa mga tao. Sa araw na yaon ay tatlong libo ang mga naking sa kanyang pangangaral at sumampalataya kay Kristo. Ang malawakang pagpapahayag sa Salita ng Diyos ay bunsod ng inspirasyon ng Espiritu na lumukob sa kanilang lahat. Sa mga mga unang yugtong ito ng Santa Iglesia, ipinakikita kung paanong ang mga unang mga Obispo – ang mga Apostol – ay nagkakaisa kasama ang Mahal na Birheng Maria sa pananalangin, pagsamba at pamamahayag ng Ebanghelyo. Sinasalamin nito ang kalagayan natin sa Simbahan ngayon – ang pagkakaisa ng diwa at intensyon: ang pagpapakabanal sa pagbabahagi ng Mabuting Balita. Hilingin natin sa Panginoon sa ikatlong misteryong ito, na sa pangangaral ng Papa, mga Obispo, at mga Pari, na bunsod ng pag-uudyok ng Espiritu, ang tanang hindi pa sumasampalataya kay Kristo ay makatagpo ng katotohanan sa kanyang Iglesia. Ang Espiritu Santo’y pumanaog na. Halina, Espiritu Santo, tanggapin ang mga handog naming ito.

04.jpg4. Ang Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birhen – Ang Mahal na Birheng Maria, matapos ang kanyang makalupang buhay dito sa daigdig, ay hindi pinahintulutan ng Panginoon na makaranas ng pagkabulok ng katawan sapagkat sa tanang Anak ni Eba, siya ang pinaka mahusay, pinaka malinis, at pinaka kaibigibig, kung kaya naman sa dakilang kapangyarihan ng niya ay iniakyat ng mga koro ng mga Angheles ang kanyang Ina sa kalangitan upang lumuklok sa trono ng kaluwalhatian. Siya na kalinislinisan at kabanal-banalan, bukod na pinagpala sa babaeng lahat, ay minarapat niyang makihati sa kanyang luningning. Kung ating susuriing mabuti ang mga banal na Ebanghelyo, ang Panginoon ay nagbibigay ng mga pahiwatig sa atin kung bakit gayon na lamang kadakila ang kanyang Inang si Maria at minarapat niya itong iakyat sa langit. Sa una pa lamang, sa pagbati ng Arkanghel Gabriel kay Maria upang ipahayag ang pagkakatawang tao ng Anak ng Diyos, kanyang ibinulalas: “Ave Maria!”. Kung babaliktarin ang pahayag na iyon ng Arkanghel, ang Ave ay magiging EVA. Itinakda ng Diyos na si Maria ang maging bagong Eva. Kung papaanong ang pagsuway ni Eva ang nagdala ng kasalanan at kamatayan sa daigidig, si Maria naman, ang bagong Eva, ang nagdala ng liwanag at buhay sa ating lahat sa kanyang pagsilang sa Diyos at Taong si Hesukristo na araw ng Kaligtasan. Dahil sa kanyang mga dakilang karapatan, minarapat ng Diyos na siya ay huwag mabulok sa libingan sapagkat sa kanyang banal na sinapupunan nanirahan si Hesus sa loob ng siyam (9) na buwan. Ipinamamalas ng ika-apat na misteryong ito ng Santo Rosaryo ang malapit na ugnayan ni Hesus at ng kanyang Ina. Sa buhay na ito at sa kabila, ang kanilang mga puso’y di mapaghihiwalay. Tinuturuan tayo nito na palagi tayong dumulog kay Maria, ating Ina at Reyna, na hindi kailanman pinahndian ni Hesus na kanyang Anak. Si Maria’y iniakyat sa langit, parangalan natin siyang itinampok sa babaeng lahat!

05.jpg5. Ang Pagkokorona sa Mahal na Birhen bilang Reyna ng Langit at Lupa – Matapos siyang iakyat sa kalangitan, ang mga tanang koro ng mga angheles, mga propeta at magulang nating sinauna; lahat ng mga banal at martir ay nagkatipon tipon upang ibigay sa Mahal na Virgen ang nararapat na pagkilala at paggalang – ang siya’y putungan ng Korona ng luwalhati bilang reyna ng Langit at lupa, ng mga anghel at mga tao. Siya na masunuring Anak ng Diyos Ama, Ina ng Diyos Anak, at Esposa ng Espiritu Santo ay nararapat lamang na parangalan ng ganitong uri ng pagkilala. “May lumitaw na dakilang tanda sa langit: Isang babaeng nararamtan ng araw; nasa kanyang paanan ang buwan, at korona naman sa kanyang ulo ang labindalawang bituin” (Apoc 12:1) Ang tagumpay na ito ng kalinis-linisang Anak ni Eba ay tagumpay nating lahat na mga Kristiyano laban sa matandang ahas o dragon – si Satanas, na ibinulid na ni San Miguel Arkanghel sa kailaliman ng impiyerno sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa babaeng ito, si Maria, tayong mga binyagan ay binigyan na ng Panginoon ng karapatang tawagin siyang Ama. Sa Ikalimang misteryong ito ng Luwalhati muli nating natutunghayan si Maria, ang abang alipin ng Panginoon, na buong pusong nagbigay ng kanyang pag sang-ayon sa plano ng Diyos, ay ginagawaran na ng parangal na makalangit. Matapos siyang magpasailalim sa kalooban ng Diyos, matapos niyang arugain at kalingain ang Anak niyang si Hesus, matapos na siya ay matapang na tumayo sa paanan ng Krus nito sa Kalbaryo, matapos niyang magabayan ang mga Apostol sa kanilang misyon, tapos na ang kanyang gawaing makalupa kung kaya naman kung paapaanong ipinahayag niya sa kanyang awit na Magnificat : “ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi, dakila ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan … Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan at itinampok ang mga nasa abang kalagayan…” ay naganap din naman ito sa kanya. Siya ngayon ay niluluwalhati dahilan sa kanyang kababaang loob at tunay na pagmamahal sa Diyos. Nawa ay sa pagtatapos ng ating pagninilay nilay sa Santo Rosario ng Mahal na Virgen, ang ating mga puso ay mapukaw sa lubos at buong kapakumbabaang pagsunod sa kagustuhan ng Panginoon, ang Diyos na haring mataas. Si Maria’y pinutungan na ng Korona ng Luwalhati, tanang mga Kristiyano, awitan ang ang iyong Reyna ng awit ng Papuri!

2 thoughts on “Mga Pagninilay sa Misteryo ng Luwalhati

  1. Pingback: Mga Pagninilay sa Misteryo ng Hapis | TIBI SE COR MEUM TOTUM SUBJICIT

Leave a comment